Biography of leonardo t buluran
TALAMBUHAY NI LEONARDO T. BULURAN
(AUTOBIOGRAPHY)
Mga Magulang : Federico Buluran at Lorenza Torres
Unang Asawa : Porfiria Salandanan
Asawang Kauli : Merlita Marcelino
Mga Anak : Leonida, Lorna, Leonardo Jr., Leonarda, Leonilo, at Leovigilda
Kumita ng unang liwanag sa Brgy. Matimbo, Malolos (isa ng siyudad ngayon),Bulakan, noong ika-25 ng Agosto 1934. Mula sa mga maralitang mga magulang na ang pag- agdong- buhay ay mulasa samo't-saring trabahong tulad ng pangingisda, pakikiani at pagtatanim sa mga sakahang hindi naman sila ang may-ari. Naging bahagi rin ng pagpapatulo ng pawis ang pagbibiyahe ng banig sa malalayong pook. Naglako rin sila ng bangus, pusit, iba't ibang klase ng isda mula sa Maynila hanggang sa iba't ibang karatig na bayan at lalawigan.
Sa napakamurang gulang at dahil siya ang panganay sa walong magkakapatid -- sina Rogelio, Elvira, Bayani, Luz, Federico Jr., Celestina at Lourdes --, si Nards o Nardo (taguri ng mga kaibigan kay Leonardo) ay maagang napasabak sa hanapbuhay. Naglako siya ng ice drop, diyaryo at magasin. Gumapas siya ng palay kung panahon ng tag-ani, sumakag at umugnat (mga uri ng munting palakaya), nagtambak sa mga dike ng palaisdaan .
Naantala ang pagsisimula ng kanyang pag-aaral sa Grade I dahil kasisimula pa lamang ng pasukan ay sinakop na ang Pilipinas ng bansang Hapones. Ibang kwento na ang pakikibakang sinapit ng pamilya ni Leonardo sa panahon ng panakop ng mga Hapones. Nitong liberasyon, nagsimula siyang mag-aral sa edad na labing isang (11) taon.
Luto sa kahirapan ng buhay, iisang landas ang natatanaw ni Nardo, para kahit paano'y makaalpas sa kinalugmukang pagdaralita. Iyon ay ang makatapos ng kahit anong karera upang maging gabay tungo sa kahit paano'y kaunting pag-angat. Malasumpa niyang sinabi sa sarili : "Kahit ano ang mangyari, pagbubutihin ko ang pag-aaral!". Dininig ng mga butihin niyang mga magulang ang kanyang kahilingan kaya't sa gitna ng pagdarahop, isiningit nila ang pag-aaral ni Nardo ay nagtapos na valedictorian sa noon ay Mababang Paaralan ng Matimbo(mgayon ay Hen. Isidoro Torres Memorial Elementary School--GITMES).
Hindi na sana maipagpapatuloy ni Nardo ang kanyang pag-aaral ng highschool,gayon man,kinasihan pa rin siya ng Maykapal. Ang naging guest speaker ng graduation na si G. Teofila D. Reyes ay binigyan siya ng scholarshhip grant. Sabi nga ng mga magulang ni Leonardo: " 'Pag ganitong baon na lang ang poproblemahin namin, mapagsisikapan na."(Ang paghihirap na tiniis ng mga magulang nila ay kalalabisan na marahil banggitin dito lalo't iisipin kung gaano kalaki ang pamilya nila). Muli, sa gitna ng pagsusungit ng buhay, si Nardo ay nagtapos ng highschool ng may karangalan.
Noon sabi ni Federico,Sr:"Nardo,anak, alam namin kung gaano ang paghahangad mong makatapos kahit na anong karera. Gayon man, hanggang dito na lang marahil ang kaya natin."
Hindi lubusang tinanggap ni Nardo ang sinabi ng kanyang butihing ama. Gayon man, sa kanyang sarili lang niya sinabi: "Mangyari na ang mangyayari, gagawin ko ang lahat sa abot ng aking munting makakaya para marating ang aking ambisyon!"
Ang hanapbuhay ng ama ni Nardo noong mga panahong iyon ay ang pamamakyaw ng bangus at iba pang isda sa pondohan sa Panghulo, malabon, at ibinabiyahe at inilalako ang mga iyon sa mga lansangan ng san Pedro at Muntinlupa sa Rizal at Sta. Rosa sa Laguna. Kailangang makitira ang kanyang ama sa isang kamag-anak at kaibigan sa Tundo,Maynila, sa kung saan siya at ang kanyang mga kasama--karaniwa'y tagaroon din sa Bgy. Matimbo sa Malolos--ay kinakaon ng dyip na sinasakyan patungo sa pondohan sa si Nardo sa kanyang ama para umano'y tumulong sa paghahanapbuhay.
Lingid sa kaalaman ng kanyang ama, sa kanyang bakanteng oras, nagtutungo si Nardo sa iba't ibang pamantasan sa Maynila at kumukuha ng mga scholarship test.
Pinalad siyang makapasa sa ilang eksaminasyon gayon man ang napili niyang pasukan ay ang Philippine College of Commerce na noon ay kilala bilang "poor man's college". Noong mga panahong iyon, two-year course lang ang offer ng PCC. Ito rin ang kalaunan ay naging PUP na kumpleto na ang mga kurso.
Hindi na mahalaga kay Nardo noon kung gusto niya o hindi ang kursong Associate in Commercial Science na siyang basikong kursong ini-offer ng PCC. Ang importante ay makapasok siya ng kolehiyo.
Hindi rin naging madali kay Nardo ang pag-aaral sa PCC dahil kinakailangang kalimutan muna niya ang pagtitinda ng isda dahil morning at afternoon sessions siya sa kanyang klase. Nangangahulugan din iyon na kailangang ipabalikat niya sa kanyang ama lahat ng kanyang gastusin. Halos libre nga ang pag-aaral niya pero ang manirahan lang sa Maynila ay hindi na maliit na gastusin.
Malaki-laki rin naman, kahit paano, ang kinikita ng isang tindero/tindera ng isda na naglalako. Subalit tulad ng iba pang hanapbuhay na nagpapatulo ng pawis ang kailangan, ang pagtitinda ay may panahon ng pagsasalat.
Sa mga panahon ng pagdarahop, upang maipagpatuloy ang pag-aaral,kinailangang halo sakalin ni Nardo ang mga panahong kinailangang lakarin niya mula Tundo na kanyang pinakikituluyan hanggang sa gusaling PCC sa Lepanto, Sta. Mesa, Maynila.
May kasabihan : Ang pangangailangan ay naghahatid sa imbensiyon. Ganito halos ang nangyari kay Nardo. Inisip niya kung ano ang puwedeng pagkakitaang hindi masisira ang kanyang oras sa pag-aaral. Noon niya napag-ukulan ng pansin ang pagsusulat. (May kaunti na siyang karanasan sa opisyong ito dahil naging Pilipino Editor siya ng The Republic, ang pahayagang tagapamansag ng M.H. del Pilar High School-- dating Bulacan High School-- na kanyang pinagtapusan). Noon niya natuklasan na may talento pala siya sa larangang ito.
Unang nabasa ang mga katha ni Nardo sa noon ay malaganap at sikat na mga lingguhang magasing tulad ng Bulaklak at Liwayway. Totoo ang sinabi ng isang manunulat : Matamis daw ang awit na makakatas mo sa luhang mapait! Ang mga kabiguan at kahirapan niya sa buhay ay malaya at buhos niyang maibigay sa mga mambabasa sa pamamagitan ng sikat na magasing ito.
Naging bahagi rin ng pagsusulat ni Nardo ang pakikipag penpal o pakikipag-kaibigan sa panulat na kinalolokohan ng maraming kabinataan at kadalagahan ng panahong iyon. Naging kasulatan niya si Porfiria Greganda Salandanan na taga-San Antonio, Binan, Laguna. Marami pang ibang naging penpal si Nardo pero si Puring-- palayaw kay Porfiria-- ang naging talagang malapit sa kanya na humangga sa pagkikita nila ng personal at kalauna'y pagiging magnobyo. (Makulay rin ang kasaysayan ng kanilang pag-ibig gayon ma'y iba na ring kasaysayan ito.)
Nang matapos ni Nardo ang Associate in Commerial Science na sinimulan niya sa PCC, itinuloy niya ang kanyang pag-aaral sa Far Eastern University kung saan siya kumuha ng Bachelor of Science in Commerce (BSC) major in Accounting. Pinalad naman siyang makatapos pero hindi na siya sinuwerteng makakuha ng eksamin para sa pagiging Certified Public Accountant o CPA. Naging higit na makapangyarihan ang tawag ng pag-ibig. Ikinasal sina Nardo at Puring noong Nobyembre 18, 1961 at biniyayaan ng anim na anak.
Unang nagtrabaho si Nardo bilang cilvilian employee sa Armed Forces of the Philippines Base Shop na may punonghimpilan sa Libis,Quezon City. Hindi naglaon, kumuha siya ng eksamin sa pagpupulis na madali naman niyang nalampasan. Noong ika-1 ng Oktubre 1967, siya ay naging ganap na pulis-Maynila. Nagtapos siya sa Manila Police Academy noong Enero 28,1968.
Naging seryosohan na ang pagharap ng mag-asawang Nardo at Puring sa buuhay-may-asawa. Isiping nagkasunod-sunod ang kanilang mga anak. Halos tuwing Ikalawang taon ay nagkikita ang magkakapatid hanggang sa kabuuang anim na lahat. Apat na babae at dalawang lalaki. Masasabing hindi pa yata uso sa mag-asawang ito noong panahong iyon ang family planning. Isipin pa rin na ang lahat ng mga batang ito ay ay kailangang mabigyan ng wastong edukasyon. Pareho sila ng katuwirang mag-asawa: Hindi na kailangang maranasan ng kanilang mga anak ang hirap ng buhay na naranasan nila. Sa awa at tulong ng Dakilang Lumikha,lahat ng kanilang mga anak ay maluwalhating nakatapos ng kani-kanilang karera at ngayon ay pare-parehong may magagandang hanapbuhay.
Sa panahon ng pakikibaka nina Nardo sa buhay, maging sa panahon ng paglilingkod niya sa Pulisya ng Maynila, naging bahagi ng ikinabubuhay nila ang pagsusulat. Bukod sa pagsusulat niya sa mga magasing tulad ng Liwayway,Bulaklak,Tagumpay at Lakambini, nakita rin ang kanyang mga katha sa halos ay lahat ng laganap na komiks noong panahong iyon. Nagsulat din siya ng mga iskrip sa telebisyon. Ang ilan sa mga programang sinulatan niya sa telebisyon ay: Ora Engkantada,Dulambuhay ni Rosavilma,Ito Ako,Pinky,Sanyugto. May ilan din siyang iskrip sa pelikula tulad ng Mobile Car 107 at Patawarin Mo Po Silang Makasalanan na parehong pinagbidahan ng yumaong Rudy Fernandez. Nitong mawala sa sirkulasyonang mga komiks, itinuloy niya ang pagsusulat sa mga tabloid at magasin tulad ng Abante,Bulgar at Balita gayon din sa Lingguhang Pilipino Reporter.
Sa kabuuan, masasabing pinagpala na rin ang pamilya nina Nardo. Ngunit buhay, tulad ng panahon, ay may dilim at liwanag; may umaga at gabi; at, may tag-araw at tag-ulan. Noong ika-9 ng Setyembre, 1996, si Puring ay sumakabilangbuhay. Pagkaraan ng kulang dalawang taon, si Nardo ay muling nagpakasal kay Merlita oMerly. Na madali namang inunawa ng kanyang mga anak at manugang gayon din ang mga apo. Marahil, alam nila, sa paglubog ng araw ng kanilang ama ay kailangan niya ang isang katuwang. Noong ika-16 ng Hunyo, 1998, sina Nardo at Merly ay ikinasal.
Anang sumulat: Marahil, sa paningin ng iba, napakaliit ng mga nagawa kong hakbang sa pakikibaka sa buhay upang kahit paano'y makagawa ng puwang sa mundong ito na matatawag na sariling akin. Gayon man, kung ibabatay sa napakahamak kong pinagmulan,ang mga mumunting hakbang na iyon ay masasabi kong mga mga hakbang ng higante. Salamat, una ay kay Lord at ikalawa ay sa mga mababait, matatalino, masikap at masisipag kong mga anak; na kung hindi sa kanila ay hindi magiging ganap ang aking tagumpay. Kung maituturing na ngang tagumpay ang nagawa kong munting puwang sa magulong mundo.
Sa pagharap ko kay Bathala at tatanungin Niya ako kung anong buhay ang pipiliin ko 'pag binigyan pa ako ng isang pagkakataong muling mabuhay, ubod-lakas kong isisigaw: "Gusto ko pong ulitin ang lahat ng detalye sa nagdaan kong buhay upang muling makapiling lahat ng aking minahal!"
Ang sumulat
( Ipinapost po ito for enquiry )